Ang doktrina ng walang hanggang naglalagablab na impyerno ay nagdulot ng mas maraming pighati, mas maraming pagkalito at humantong sa mas maraming tao na tanggihan si Yahuwah kaysa sa anumang ibang iisang paniniwala. Maging ang makasalanang sangkatauhan ay umurong sa kaisipan ng “katarungan” na nangangailangan ng walang hanggang sakit bilang kaparusahan sa mga kasalanang ginawa sa panahon ng iisang buhay.
Isang teksto sa Bibliya na malawakang ginamit upang itaguyod ang ideya ng walang hanggang naglalagablab na impyerno ay matatagpuan sa Pahayag:
“Sinumang sumasamba sa halimaw ay iinom din sa alak ng poot ni Yahuwah, na ibubuhos na walang halo sa kopa ng kanyang galit. Ang taong iyon ay pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumapailanlang magpakailanpaman. Wala silang kapahingahan araw at gabi, silang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at sinumang tumatanggap ng tanda ng pangalan nito.” (Pahayag 14:10, 11, FSV)
Ang Lumang Tipan ay ginamit ang salitang “impyerno” nang tatlumpu’t isang beses. Ito ay isinalin mula sa salitang Hebreo na Sheol. Malayung-malayo mula sa pagiging lugar ng walang hanggang apoy, ang salitang sheol ay tumukoy lamang sa lugar o kondisyon ng mga patay:
“Ang Sheol ay tirahan ng mga namatay, isang lugar ng pagkaimbihan, ang lokasyon o kondisyon ng mga namatay o nawasak. . . . Hindi nito kinikilala bilang isang lugar ng kaparusahan, sa halip, ito ay huling pahingahan ng sangkatauhan. (Genesis 37:35). . . . Hindi ito ginamit kahit isang beses bilang kaparusahan pagkatapos ng muling pagkabuhay.” (#7585, The New Strong’s Expanded Dictionary of Bible Words.)
Ang mga implikasyon ng walang hanggang pag-aalab ay hindi nagsimulang maimpluwensyahan ang konsepto ng “impyerno” hanggang ang Bagong Tipan ay isinalin sa wikang Griyego.
“Kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang mata, dukutin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang iyong buong katawan sa impyerno. At kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang kamay, putulin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang iyong buong katawan ay mapunta sa impyerno.” (Mateo 5:29, 30, FSV)
Ang salitang impyerno ay isinaalin nang 10 beses mula sa salitang Griyego na Hades na tumutugma sa Sheol bilang lugar o kondisyon lamang ng mga naligaw.
“Labing-dalawang beses, ang salitang ‘impyerno’ ay nagmula sa gĕĕnna (gheh'-en-nah), tumutukoy sa isang Lambak kung saan ang mga naghihimagsik na Israelita ay nag-aalay ng bata bilang sakripisyo. Ginamit ito nang pasimbulo ‘bilang isang lugar (o estado) ng walang hanggang kaparusahan.’” (#1067, The New Strong’s Expanded Dictionary of Bible Words.)
Itinuturo ng Kasulatan na ang lahat ng hindi tatanggapin ang kaligtasan at patuloy na magiging suwail na kakapit sa kasalanan ay parurusahan na masunog. Gayunman, kailangan natin itong maunawaan sa liwanag ng lahat ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaparusahan ng mga masasama.
Ang bigat ng ebidensya na naipon mula sa Bibliya ay ipinapakita na ang walang hanggang kamatayan, hindi walang hanggang pagdurusa, ay ang kaparusahang naghihintay sa lahat ng tinanggihan ang kaligtasan:
“Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Elohim ay buhay na walang hanggan kay Kristo Yahushua na ating Tagapagligtas.” (Roma 6:23, FSV)
Kaya dahil dito, ang “impyerno” na tinutukoy sa Bibliya ay may kinalaman sa kaparusahang natanggap ng mga masasama na magtatapos sa kanilang pagkawasak.
“Sinabi ng Yahuwah ang Makapangyarihan, ‘Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.’” (Tingnan ang Malakias 4:1-3.)
Sa oras na matanggap ng mga masasama ang makatarungan nilang kaparusahan dahil sa kanilang kasalanan, sinabi ni Yahuwah na sila ay susunugin. Kapag ang isang bagay ay “nasunog na”, wala nang masusunog pa.
“Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, ADB)
Dahil dito, ang sentensya ng walang hanggang kamatayan ay ang magiging pinakahuling kaparusahan ng mga masasamang tinanggihan ang kaligtasan.
“Sapagka’t ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: . . . Sapagka’t sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.
“Ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ni Yahuwah ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila’y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.
“Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan. Nguni’t may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni’t hindi siya masumpungan.” (Awit 37:9, 10, 20, 35-36, ADB)
Sa lahat ng patuloy na gumagawa ng kasalanan, sinabi ni Yahuwah na:
“Narito, sila’y magiging gaya ng pinagputulan ng trigo; susunugin sila ng apoy; sila’y hindi makaliligtas sa bangis ng liyab: hindi babaga na mapagpapainitan, o magiging apoy na mauupuan sa harap.” (Isaias 47:14, ADB)
Subalit, hindi ba sinasabi ng Bibliya na ang pagdurusa ay magtatagal “magpakailanpaman”?
“Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, at lalabas siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila’y kasindami ng mga buhangin sa dagat. Sila’y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.” (Pahayag 20:7-10, FSV)
Ang salitang Tagalog na “magpakailanpaman” ay isinalin mula sa salitang Griyego na aiōn. [ahee-ohn’] Ibig sabihin nito ay:
“‘Isang edad, panahon’ at tumutukoy sa panahong walang katiyakan ang tagal. . . Ang pwersang nakaanib sa salita ay hindi aktwal na tagal ng isang panahon, sa halip ay panahon na minarkahan ng espiritwal o moral na mga katangian. . . . Ang [salitang] ito ay hindi dapat literal na ibigay, kundi naaayon ito sa kahulugan ng walang tiyakang tagal . . .” (#165, The New Strong’s Expanded Dictionary of Bible Words.)
Dahil lamang ang salita ay tumutukoy sa isang panahong walang katiyakan ang tagal, hindi ibig sabihin na ang panahon na ito ay walang katapusan. Malinaw na ipinapahayag ng Bibliya na ang kaparusahan ni Satanas at ng mga naligaw na makasalanan ay MAGKAKAROON ng katapusan, matapos nito’y wala na sila.
“Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuario: kaya’t ako’y naglabas ng apoy sa gitna mo; sinupok ka, at pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat na nanganonood sa iyo. Silang lahat na nangakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, mangatitigilan dahil sa iyo: ikaw ay naging kakilakilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.” (Ezekiel 28:18, 19, ADB)
Ang mga abo ay hindi nasusunog. Sa halip, ang mga abo ay resulta ng isang bagay matapos itong masunog. Ito ang katapusan, ang walang hanggang kamatayan, na tinutukoy ni Yahushua noong sinabi Niya na:
“At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa Kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impyerno.” (Mateo 10:28, FSV)
Ang Lawa ng Apoy ay sa wakas, pupuksa sa kasalanan at mga makasalanan, pupuksa rin maging mismo sa kamatayan:
“At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.” (Pahayag 20:12-15, FSV)
Ang kaligtasan ng sangkatauhan mula sa kapangyarihan ng kamatayan ay ang layunin ng misyon ng Tagapagligtas. Bago siya isinilang, isang propetikong tinig ang nadeklara sa Kanya:
“Aking tutubusin sila mula sa kapangyarihan ng Sheol; aking tutubusin sila mula sa kamatayan. Oh kamatayan, saan nandoon ang iyong mga salot? Oh Sheol (libingan), saan nandoon ang iyong kasiraan?” (Hosea 13:14, ADB)
Ang pagkawasak ng kasalanan, ni Satanas at maging ang mismong kamatayan ay naging tampulan ng mga matatapat ang kalooban buhat nang sina Adan at Eba ay nagluksa sa pagkamatay ni Abel. Ang mga muling nabuhay na matutuwid ay hihiyaw ng kagalakan:
“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay. Nasaan na, kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?” (1 Corinto 15:54, 55, FSV)
Ang apoy na tutupok sa kasalanan at makasalanan ay lilinisin rin ang daigdig:
“Ngunit darating ang araw ni Yahuwah tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.” (2 Pedro 3:10, FSV)
Ang Manlilikha ay magiging Muling Manlilikha. Matapos malinis ng mundo mula sa bawat bakas ng kasalanan, si Yahuwah ay muling bubuo ng bagong langit at bagong lupa:
“Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay. Sila’y uuwi sa wala, nguni’t ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila’y mga mapapalitan: Nguni’t ikaw rin, at ang mga taon mo’y hindi magkakawakas.” (Awit 102:25-27, ADB)
Ang daigdig na ito, ang tagpuan ng sobra-sobrang kalungkutan, alitan at paghihirap ay mapupuksa at isang bagong daigdig ang magiging walang hanggang tirahan ng mga natubos.
“Ngunit, naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ni Yahuwah, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.” (2 Pedro 3:13, FSV)
Ang kaligayahan ng mga naligtas ay ang presensya ni Yahuwah mismo na, tungo sa lahat ng walang humpay na pag-ikot ng walang hanggan, ay mananahan sa mga tao na, sa pamamagitan ng pananalig sa mapagtubos na dugo ng Kordero, ay naligtas mula sa kasalanan at walang hanggang kamatayan.
“Pagkatapos, nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. Nakita ko ring bumababa mula sa langit, galing kay Yahuwah, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. At mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig, ‘Masdan ninyo, ang tahanan ni Yahuwah ay kasama na ng mga tao. Maninirahan siya sa kanila bilang Elohim nila; sila’y magiging bayan niya, at si Yahuwah mismo ay makakasama nila at magiging Elohim nila; papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Hindi na magkakaroon ng kamatayan; ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan, sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.” (Pahayag 21:1-4, FSV)
Hindi parurusahan ni Yahuwah ang sinuman ng walang hanggang pagdurusa. Ang kaparusahan ng Kanyang mga kaaway ay makatarungan, hindi mapaghiganti.
“Sapagkat ganoon inibig ni Yahuwah ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat isinugo ni Yahuwah ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan.” (Juan 3:16, 17, FSV)
Manatili sa kaalaman mo ang pag-ibig ng Ama para sa’yo. Ililigtas Niya ang lahat ng tutungo sa Kanya sa pananalig.
Tandaan: Habang ang mga masasama ay hindi pahihirapan magpakailanman sa walang hanggang impyerno, itinuturo ng Kasulatan na mayroong walang hanggang apoy sa presensya ni Yahuwah: Mayroong Walang Hanggang Apoy!