Pakikipag-usap sa Patay: Pakikipag-usap sa mga Demonyo
Karamihan sa mga relihiyon sa mundo'y itinuturo na ang kaluluwa ay hindi mawawala kapag ang katawan ay namatay na. Marami ang naniniwalang nananatili pa rin ang kamalayan ng tao pagkatapos mamatay ang katawan nito. Ang mga taong nawalan ng mahal sa buhay, ay hinahanap-hanap pa rin ang taong nakilala nila. Gusto nilang makausap ang taong namatay at humingi ng gabay mula sa kanila. Dahil sa mainding kagustuhan na makausap ang patay, marami ang kumukonsulta sa mga séances, trances, Ouija boards at iba pang paraan na alam nila. Ang mapagmahal na Ama natin sa Langit ay gusto tayong protektahan mula sa panganib na dulot nito. Malinaw Niya tayong binalaan:
"Alam ng buhay na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman." (Mangangaral 9:5)
Dahil wala namang buhay na kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, anumang paraan ng komunikasyon na nagsasabing ito'y mula sa isang patay, ay nagmumula mismo sa isang demonyo. Ang mga alagad ni Satanas ay kayang-kayang gayahin ang mga namatay na. Ang kanyang itsura, kung paano siya maglakad, ang kanyang boses, ang kanyang sulat-kamay, ang kanyang mga lihim, mga natatagong istorya ng buhay - lahat ay kayang gayahin ng isang demonyo. Ang relasyon ng mag-asawa, magulang at anak, kaibigan at kamag-anak ay maaaring gamitin ng mga demonyo upang akitin ang isang tao na makipag-usap sa patay. Ang pagmamahal na nararamdaman ng isang tao sa isang namatay ay minamanipula ng mga demonyo upang buksan ang isipan nito. Ang pakikipag-usap sa mga demonyo na nagpapanggap na namatay na mahal sa buhay ay nakakahumaling. Nagbibigay ito ng pakiramdam ng kasiyahan at kasabikan. Ang mga naturang pakikipag-usap sa mga demonyo ay nagdudulot ng ilusyon ng pag-asa, kaginhawaan at “patunay” na ang mahal sa buhay ay nabubuhay pa rin.
“Ayon sa isang pag-aaral ng Baylor Institute for Studies of Religion, 20% ng mga Amerikano ay naniniwala na ang mga nabubuhay ay kayang makipag-ugnayan sa mga patay. Sa isang survey ng 10,000 na katao … 46% ng mga babae ang naniniwalang ‘ang mga kaluluwa ng mga namatay ay pinoprotektahan ang mga nabubuhay bilang mga espiritung gabay …’ ” (L. Marcus and L. Schneider, "Talking to the Dead")
Ang paniniwalang ang kaluluwa ay hindi namamatay, ay maaaring gamitin ng mga demonyo upang manlinlang. Kapag ika’y naniwala na ang patay ay mayroon pa ring kamalayan at kayang makipag-ugnayan sa’yo, ginagamit ito ng mga demonyo upang gayahin ang mahal sa buhay at makipag-usap sa’yo. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga aparisyong nakikita mo, mga boses na naririnig mo, o sa pamamagitan ng isang tap na nagsasabi sa’yo kung ano sinabi ng namatay.
Si Satanas ay “nanlilinlang sa iba’t-ibang paraan. Mayroon siyang iba’t-ibang delusyong nakahanda para sa iba’t-ibang klase ng tao. Ang ilan ay may takot sa isang panlilinlang, samantalang handa silang tanggapin ang isa pa. Nililinlang ni Satanas ang iba sa pamamagitan ng Espiritwalismo. Siya’y nagpapanggap din bilang anghel ng liwanag at iniimpluwensyahan ang marami sa mundo … Ang simbahan ay nagagalak at iniisip na … si [Yahuwah] ay kumikilos para sa kanila, kahit iyon ay naman ay kagagawan ng isang espiritu. Ang kagalakan ay mawawala at iiwanan ang mundo at ang simbahan ay nasa mas malalang kondisyon kumpara sa dati.” (E. G. White, Early Writings, p. 261)
Maraming paraan si Satanas upang paniwalain tayo na mayroong kabilang-buhay. Iba’t-ibang paraan ang kanyang ginagamit upang akitin ang iba’t-ibang klase ng tao. Ang Paganismo, Hinduismo at Voodoo ay gumagamit ng trances upang makipag-ugnayan sa mga demonyo. Ang mga trances na ito ay ginagawa sa pamamagitan ng matinding pananabik mula sa ritmo ng sayaw, dasal, tambol at kung minsan ay droga. Ang mga Katoliko na nagdadasal kay Maria, ang ina ni Hesus, ay nagdadasal sa isang patay na hindi sila naririnig. Ang mga aparisyon ni Maria, na pinaniniwalaan ng karamihan na si Maria mismo, ay isa lamang panlilinlang ng mga demonyo. Ang pagdadsal sa mga “santo” ay dasal rin sa mga patay na nakasaad sa Bibliya na “walang anumang nalalaman.” Ito’y nagbibigay ng oportunidad sa mga demonyo na “sagutin” ang kanilang mga dasak at patunayan na mayroon ngang kabilang-buhay. Anumang milagro o panggagamot na resulta ng mga dasal na ito ay mula kay Satanas upang patunayan ang maling paniniwala ng tao sa kabilang-buhay.
Ang mga Protestante rin ay kasama sa mga nakikipag-ugnayan sa mga demonyo. Ang pagsasalita sa ibang wika ay isa lamang klase ng trance. Ang taong iniinterpret ang isang wika para sa mga taong nakikinig ay tumatanggap ng mensaheng mula sa supernatural na impluwensya. Ang mga hindi relihiyosong tao na hindi naniniwala sa mga demonyo ay malaki ang tyansa na maniwala sa mga paranormal na gawain na ang mga patay ay kinakausap sila. Ang mga karaniwang paraan na ginagamit ng mga taong walang kaugnayan sa relihiyon upang makipag-ugnayan sa patay ay ang Ouija boards at séances, Tarot cards at prediksyong astrolohikal mula sa zodiac. Ang makabagong meditasyon o pagbubulay-bulay at hipnotismo ay mapanganib. Hindi ito kinikilalang daan tungo sa mga demonyo, ngunit maaaring maging daan ito ng mga demonyo upang impluwensyahan ang ating isipan.
Ang pakikipag-usap sa mga demonyo ay lubhang mapanganib. Mahirap itong ipaliwanag ngunit ang resulta ay totoo. Ang mga nabubuhay ay nais maniwala na ang patay ay mahal pa rin sila at kaya silang bigyan ng gabay mula sa hukay. Gayunman, gusto ng mga demonyo na sirain ang bawat na makikinig sa kanila. Ang mga komunikasyong ito ay nanlilinlang at naninira lamang. Nais ni Yahuwah na protektahan ang Kanyang mga anak mula sa kasamaang ito. Mahigpit Niyang ipinagbabawal ang anumang uri ng komunikasyon sa patay dahil ito ay komunikasyon lamang sa mga demonyo.
“Sinuman sa inyo’y … huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumagawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni [Yahuwah].” (Deuteronomio 18:10-12, Tagalog Popular Version)
Noong ang Tagapagligtas ay nasa mundo, pinapalayas Niya ang bawat demonyo na naninirahan sa isang tao sa Kanyang presenya. Sinasabihan Niya ang mga tao na huwag nang gumawa muli ng kasalanan kung hindi ay mas matinding kasamaan ang dadating sa kanila. Hindi ito hokus-pokus na eksorsismo, sa halip ay buong pagtitiwala sa kapangyarihan ng Ama na magpalaya sa sinumang mananalig sa Kanya. Ang kapangyarihan ni Yahuwah na magligtas ay makapangyarihan pa rin ngayon tulad noong panahon ng Tagapagligtas.
“Tingnan ninyo, si
[Yahuwah] ay may kakayahan upang iligtas ka; Siya’y hindi bingi
upang hindi marinig ang inyong hinaing.”
(Isaias 59:1, Tagalog
Popular Version)
Ang Kanyang handog ay inaalok pa rin sa lahat: “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” (Mateo 11:28, Tagalog Popular Version) Kung ikaw ay tinutukso o ginigipit ng mga demonyong espiritu, kung gusto mo ng kapayapaan at kaluwagan na nagmumula lamang sa Langit, mayroong pag-asa. Tumawag ka sa ngalan ni Yahuwah at tanggapin ang Kanyang kapangyarihan na magliligtas sa’yo. Hinding-hindi ka Niya bibiguin o pababayaan man. Hinihimok ng Salita Niya na:
“… huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono … upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.” (Hebreo 4:16, Tagalog Popular Version)